Tuesday, September 16, 2008
Marian Rivera: “Matagal na akong jologs!”
“Yun ang maganda, e. Kasi si Dingdong, sosyal! Tapos ako, jologs! At aminado ako riyan na jologs ako. Aminado ako na kung malakas man ang boses ko, kung prangka man ako, doon ako minahal ng tao. Kaya ako minahal ng fans ko dahil sa pagiging totoo ko sa sarili ko at wala akong itinago sa kanila,” says Marian Rivera about comments that she is “jologs.”
Habang naghihintay si Marian Rivera for her next gap sa Grand Fans’ Day ng Dyesebel sa SOP last Sunday, September 14, nakausap ng PEP (Philippine Entertainment Portal) ang young actress na mukhang mas relaxed na ngayon.
Si Marian na mismo ang nagkuwento na malapit nang magtapos ang kanilang primetime series ni Dingdong Dantes na Dyesebel. Hanggang October 10 na lang daw ito. Pero hindi pa raw niya alam kung ano ang plano sa magiging finale nila.
“Ngayon kasi, pinaghahandaan pa namin yung mga fight scenes namin sa tubig. Yun kasi ang pinaka-complicated sa aming lahat. Yun talaga ang pinaghahandaan. At saka ang dami pang maglalaban,” saad ni Marian.
Tinanong ng PEP si Marian kung ano na ang puwedeng abangan ng mga tagahanga niya pagkatapos ng Dyesebel.
“Well, wala pa namang kinukumpirma sa aking project,” sabi niya. “But I hope, since may kontrata ako sa kanila, meron namang susunod. Ayoko rin namang magsabi na, ‘eto ang next ko hangga’t hindi pa kami nagkakapirmahan ng kontrata. Hangga’t hindi pa kami nagte-taping. Mahirap din kasing mag-assume na ibinigay na sa akin, ‘tapos hindi naman pala mapupunta sa akin. So, ang sakit naman no’n para sa akin. Kapag sigurado na, doon ko na lang sasabihin”
Sinabi naman sa kanya na siguradong may kasunod na siyang proyekto pagkatapos ng Dyesebel. Hindi nga lang daw niya alam kung kailan nila ito sisimulan, lalo pa nga’t may pelikula rin silang gagawin ni Dingdong, kasama si Iza Calzado, ang One True Love ng GMA Films. Balitang this Thursday (September 18) na ang story conference.
Parehong bongga at nag-number one sa rating ang Marimar at Dyesebel, so inaasahan na mas bongga ang susunod niyang TV series. Ano ang masasabi ni Marian dito.
“Lahat naman, e! Lahat naman bongga! Iba-iba naman ang lahat!” tawa ni Marian.
Tinanong din ng PEP si Marian kung posible ba na sila pa rin ni Dingdong ang magkapareha sa susunod na series nila.
“Hindi ko lang alam,” sagot niya. “Depende lang sa mga manonood kung gusto pa rin ba nila kaming mag-partner, o baka magsawa sila at iba naman ang ibigay sa akin. So, tingnan natin.
“Pero mukha namang sa ngayon, kinikilig pa rin sila sa amin. At saka siyempre, kung kumportable rin lang ang pag-uusapan at gaan katrabaho, siyempre si Dong, kasi ang tagal ko na siyang katrabaho. Kahit anong gawin ko, hindi na ako nahihiya. At saka kami ni Dong, tulungan kami sa pag-arte, tulungan kami sa lahat ng bagay.”
Hindi naman sang-ayon si Marian sa mga nagsasabi raw na without her, posibleng bumaba ang popularidad ni Dingdong, or vice versa.
“Ay, hindi! Naniniwala kasi ako na sa isang soap opera, bukod sa lead, yung mga cast nakakatulong, e. Hindi porke’t okey ako, okey si Dingdong, e, ibig sabihin okey na, di ba? Naniniwala ako na lahat kami nag-e-effort talaga. Yung love team namin ni Dingdong, yung mga cast, nagtutulungan.”
Dagdag niya, “Actually, na-try ko na rin namang mag-solo. Si Dong din naman, e. Pero lahat ng nangyayari sa amin, may katulong kami riyan. Like ako, malaki ang pasasalamat ko sa Dyesebel, pero kung hindi rin naman dahil sa love team ko si Dingdong at sa mga cast na tumutulong din sa amin, hindi rin naman siguro ko mamahalin ng mga tao, di ba?
PROUD TO BE JOLOGS. Isang bagay naman na madalas na naisulat at naikokomento kay Marian ay tungkol sa paraan niya ng pagsasalita, lalo na noong nakaraang birthday concert nila ni Dingdong sa Araneta Coliseum. May ilang nagsasabi na lumabas daw doon ang pagiging “jologs” niya at may iba namang nagsasabi na tipong “palengkera” ang young actress.
Pero maagap ang naging tugon ni Marian sa bagay na ito. Aniya, “Yun ang maganda, e. Kasi si Dingdong, sosyal! Tapos ako, jologs! At aminado ako riyan na jologs ako. Aminado ako na kung malakas man ang boses ko, kung prangka man ako, doon ako minahal ng tao. Kaya ako minahal ng fans ko dahil sa pagiging totoo ko sa sarili ko at wala akong itinago sa kanila.”
Dahil ba sa mga natatanggap na comment ay plano niyang baguhin ang naturang personality?
“Ay, hindi!” mabilis niyang tugon. “Kasi ako, kung kailangan sa isang okasyon na maging sosyal, kaya kong maging sosyal, why not? Kung jologs din ang pag-uusapan, kaya kong maging jologs. Kahit saan mo ko ipunta, a-attend ng party at puro mga sosyal, why not? Bakit naman hindi ko kaya? E, eto ako. Eto ang normal ko. Kaya ako minahal ng mga tao, kaya go!”
Ano naman ang message niya sa mga nagsasabi sa kanyang jologs siya?
“Ay naku, ang tagal ko nang jologs! Ang tagal ko nang straight to the point. Manood sila ng Happee toothpaste [commercial] ko, matapang at palaban ang mga Caviteña! So, kanya-kanyang pagkatao lang din ‘yan!” natatawa niyang sabi.
Tingin nga raw niya, yung magkaibang personalidad nila ni Dingdong ang dahilan kung bakit nagki-click din sila.
“E, sosyal si Dong, e! Aminin natin yan! Actually, hindi siguro sosyal kundi mas finesse siya. Kumbaga, ako ang baligtad niya. Kaya kami magkasalungat. May mga bagay na hindi niya alam na itinuturo ko sa kanya. At may mga bagay na hindi ko alam na itinuturo niya sa akin. Hindi kami parehas na sosyal. Hindi kami parehas na jologs. So, mas maganda na magkasalungat kami,” pahayag ni Marian.
ROSE GARCIA
Philippine Entertainment Portal
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment