Tuesday, September 16, 2008

Mrs. Rose Flaminiano files TRO against Gabby Concepcion


“Kung ano ang kailangang gawin, ginawa ko naman. Nakabalik siya, ‘ayan, isa na siyang Gabby Concepcion. Pero all of a sudden, bakit nagkaganun? Para niya akong binasura. Bakit?” asks Mrs. Rose Flaminiano (right) in connection with her leagl battle with Gabby Concepcion (left).

Nagsampa kaninang alas-dos ng hapon, September 16, si Mrs. Rose Flaminiano sa Quezon City Trial Court bilang sagot sa sulat na ipinadala ng alaga niya na si Gabby Concepcion at ng abogado nitong si Atty. Raymond Fortun kaugnay ng pagpapa-terminate ng aktor sa kanilang manager-talent contract. Umabot ang filing fee ni Mrs. Flaminiano at bayad sa lawyer ng humigit-kumulang P600,000.

Kasama ni Mrs. Flaminiano ang kanyang abogadong si Atty. Bonifacio Alentajan na nagsampa ng P22-million Specific Performance and Damages with Application For Writ of Preliminary Injunction and Prayer for Temporary Restraining Order laban kina Gabby at Atty. Fortun.

Hindi naiwasang maging emosyonal ni Mrs. Flaminiano habang ini-interview ng PEP (Philippine Entertainment Portal). Napaiyak siya habang sinasabi ang mga sama ng loob niya kay Gabby.

“Inangat ko siya,” umiiyak na sabi ng lady producer, “pinuntahan ko siya sa Amerika, tumupad ako sa lahat ng kanyang gusto. Ngayon, natural, sasagot din naman ako sa parte ko.

“Kagabi, ang totoo niyan, kaya ako umiiyak ngayon, nag-usap kami with Celia Rodriguez, Daisy Romuladez, sa kanyang [Gabby's] house. Pinag-usap kami, kung ano ang problema, ganyan. Nakita ko naman ang sincerity ng puso ni Gabby dun sa ginawa niya. Nag-apologize naman siya,” pagtatapat ni Mrs. Flaminiano.

Hindi na raw sana itutuloy ni Mrs. Flaminiano ang demanda at pinakikiusapan niya ang abogado na bigyan pa ng pagkakataon si Gabby. Pero binigyan din naman siya ng paliwanag ng kanyang abogado na sana’y inintindi rin muna siya ng aktor bago ito nagsalita sa TV.

“Bakit daw ako na naman ang iintindi, sana raw ay inintindi rin naman ako ni Gabby,” saad ni Mrs. Flaminiano.

Hanggang ngayon, para kay Mommy Rose ay tila isang panaginip pa rin ang nangyari sa kanila ni Gabby.

“Kung ano ang kailangang gawin, ginawa ko naman. Nakabalik siya, ‘ayan, isa na siyang Gabby Concepcion. Pero all of a sudden, bakit nagkaganun? Para niya akong binasura. Bakit?” bulalas ni Mrs. Flaminiano habang patuloy ang pagtulo ng kanyang luha.

Ipinagdiinan din ng lady producer na binigyan niya P11 million na kita si Gabby sa mga shows na kinukuwestiyon ng aktor. From August to November 15 ay may confirmed shows daw si Gabby at tinanggap pa nga raw ng aktor ang mga downpayment para sa mga ito noong July 28.

Ayon kay Mrs. Flaminiano, marahil daw ay nakita ni Gabby ang tagumpay sa Music Museum concert nito noong August 15 and 16 dahil buhat daw noon ay napansin niyang nagbago na ito at tila lumaki ang ulo ng aktor.

“Hindi na niya ako tine-text, hindi niya sinasagot ang mga tawag ko. ‘Tapos all of a sudden sa The Buzz, sasabihin niya hinahanap daw niya ako. Ba’t hindi ako makikipag-usap sa kanya? Ang dami niyang pipirmahan, ang daming mga shows na nakalagay sa kanya na inoohan, bakit hindi ako makikipag-usap? Ako yung nag-a-arrange ng mga schedule niya, siya yung ayaw makipag-usap at nasulsulan yata ng mga nakapaligid sa kanya,” paliwanag ni Mrs. Flaminiano.

Nagulat na lang daw siya nang makatanggap siya ng sulat mula sa abogado ni Gabby na ipinapa-terminate ang kontrata nilang dalawa “effective immediately.”

“Puwede ba yun? Hindi puwede yun,” deklara ni Mrs. Flaminiano.

Ito raw ang dahilan kung bakit nagsampa sila ng kaso laban kay Gabby, na ang kontratang napirmahan ay dapat pahalagahan at hindi puwedeng basta-basta i-terminate.

Sabi naman ni Atty. Alentajan, “Nawa’y magsilbi itong leksiyon hindi lamang sa artista kundi sa lahat ng pumapasok o pumipirma sa isang kasulatan. Na ano man ang ating nilalagdaan, dapat igalang natin. Ke marriage contract ‘yan o management contract, basta lumagda na tayo, bigyan natin ng kahulugan at igalang natin ang ating lagda kahit sa anumang klase ng dokumento.”

Sa nasabing isinampang kaso, humihingi si Mrs. Flaminiano ng P15 million actual damages, P3 million moral damages, P2 million exemplary damages, at P2 milion attorney’s fee—or a total of P22 million.

At press time ay wala pang reaksiyon si Gabby kaugnay ng pagsasampa ng kaso ng business manager niya laban sa kanya.

ROLDAN CASTRO
Philippine Entertainment Portal

No comments:

Post a Comment